Aminado si McCoy de Leon na naka-relate siya habang ginagawa ang musical film na Yorme: The Isko Domagoso Story. Si McCoy ang gumaganap bilang teenager na Isko sa pelikula na na-discover ng isang talent manager hanggang mapabilang sa sikat na youth oriented show ni German Moreno na That’s Entertainment.
“Sobra akong naka-relate kasi unang-una taga-Tondo din ako. Tsaka yung time ko kasi na ginampanan pa-artista siya, eh, kaya naka-relate din ako don sa feeling na sana mapansin din ako. Na sana makuha ako sa audition.
“Actually, may eksena ako dito na parang nag-a-audition na sobrang genuine siya kasi hindi siya karaniwang audition. Audition siya ng isang taga-Tondo,” kuwento ng aktor.
Ano nga ba ang naging take away niya sa pelikula?
“Kasi sa amin bilang artista ang daming batikos, ang daming pangit na salitang maririnig ka. Pero nung ginampanan ko yung story niya, alam mo yung nandiyan ka na sa baba pero titirahin ka pa ng masasakit na salita, durog na durog ka don. Pero siya, kung paano niya hina-handle, ‘Okey lang yan, huwag mong pansinin yan.’ Ganun siya, hindi niya lalabanan.
“Kaya na-realize ko na kung yung iba nakakatanggap ng masasakit na salita online mas worst pa yung talagang nando’n sa labas na naririnig yung boses talaga ng mga tao. Kaya yon yung take away ko na isang malaking realization din,” lahad pa niya.
Bukod sa pag-arte ay sumabak din si McCoy sa pagkanta sa Yorme. Paano ba niya ito pinaghandaan?
“May isang kanta ako sa Yorme na sobrang happy, sobrang uplifting yung feeling -- ito yung Artista Na Ako. Same din kasi yung naramdaman ko nung pini-perform ko yung kanta do’n sa na-feel ko dati nung nagsimula na akong mag-artista.
“Pagdating naman sa paghahanda, bago ako matulog pinapakinggan ko talaga yung kanta. Paulit-ulit sa phone ko, sa computer, sa kotse. Kasi alam ko sa sarili ko na kailangan kong gawin yon kasi pag nagpa-relax-relax lang ako alam naman natin na hindi ko mabibigyan ng hustisya yung role ko. Kaya dugo’t pawis din talaga.
“Pero pag nando’n na… iba talaga pag nando’n na, eh. Si Direk talaga yung naging instrument ko para magawa ko yon nang maayos. Meron ding mga kanta na sumasayaw ako,” paliwanag ni McCoy.
First musical film ni McCoy ang Yorme at sana raw ay hindi rin ito ang last.
Sabi ni McCoy, “Iba pag musical, kumbaga ibang putahe. Buti na nga lang din may experience ako sa theater dati na nagamit ko rin dito sa Yorme. Kasi kapag musical importante yung laki ng bibig, dapat kita yung sinasabi mo, tapos yung galaw mo. Kakaibang experience ito for me and sabi ko nga kay Direk Joven sana hindi ito yung maging first and last ko.”
Dati nang gumagawa ng stage play si McCoy dahil sa impluwensya ng kanyang ama na bukod sa pagiging aktor ay director din sa teatro.
“Sana makabalik din ako sa theater kasi yon yung buhay din ng tatay ko, eh. Alam kong yon ang kasayahan niya kaya sana soon magawa ko rin yon,” he said.
Gaano ba siya ka-passionate sa pag-arte?
“Siguro kahit pagbali-baligtarin man ang mundo ay dito pa rin ako magiging masaya – sa pag-arte. Dahil din dito kaya ko natutulungan ang pamilya ko,” tugon ng bida ng Yorme.
Anyway, gaganap naman bilang batang Isko sa Yorme si Raikko Mateo. Si Xian Lim naman ang present day Isko
Kasama rin sa pelikula ang ibang That’s Entertainment members tulad nina Janno Gibbs (as Kuya Germs), Jestoni Alarcon (Daddy Wowie, manager ni Isko), Tina Paner at Monching Gutierrez (Isko’s parents) at marami pang iba.
Yorme is produced by Saranggola Media Productions, directed by Joven Tan and distributed by Viva Films. Showing na ang Yorme sa Dec. 1.