Si Xian Lim ang gumaganap na present day Isko Moreno sa musical film na Yorme: The Isko Domagoso Story. Si Raikko Mateo naman ang batang Isko samantalang si McCoy de Leon ang teenager version ni Isko kung saan naging miyembro siya ng youth oriented show ni Kuya Germs na That’s Entertainment.
Ayon kay Xian, nakilala niya nang husto ang pagkatao ni Manila Mayor Isko Moreno habang ginagawa ang pelikula. At dahil nga dito ay na-inspire din siyang maging mayor o kaya’y public servant din sa hinaharap.
“Sana! Ha-ha-ha! Kung mabibigyan ng pagkakataon, ang saya po noon,” lahad ng aktor.
“Of course, I think to be an inspiration to many and to be able to create change is very important. I think if there’s anything na napulot ko rito sa proyekto na ito, it’s the ability to inspire and change,” dugtong niya.
Ang Yorme ay iprinodyus ng Saranggola Media Productions at mula sa direksyon ni Joven Tan na siya ring sumulat ng 15 original songs sa pelikula. Ang Viva Films naman ang magdi-distribute ng pelikula na mapapanood sa Dec. 1 sa mga sinehan.
Ano ba ang pinakamahirap sa paggawa ng isang musical film?
Tugon ng aktor, “Well, si Direk Joven naman po kasi, marami po siyang na-compose na magagandang kanta. I believe yung couple of songs ni Ice Seguerra, si Direk Joven ang nagsulat at nag-compose. So, he would give me the song beforehand. Siyempre, aaralin mo, ire-record namin. And after the recording, dadalhin sa shooting namin.
“Ipinakita rin niya sa akin yung mga ups and downs ni Mayor Isko para mas maramdaman ko yung kanta. At siyempre, sariling research na rin ng karakter dahil may ipino-portray po tayo na isang importanteng tao. Hindi naman ito basta na dadalhin mo lang ang sarili mo, tapos aarte ka.
“Medyo nahirapan lang ako ng konti sa punto ni Yorme. Meron siyang punto, eh, kung paano siya magsalita,” tuluy-tuloy na pagbabahagi ni Xian.
Nagbigay din ng reaksyon si Isko sa nagsasabing baka magamit ang pelikula sa political ambition ng alkalde.
“Actually, pumasok ako sa project na ito as an actor lang po talaga. Hindi ko po iniisip yung mga ganung bagay. Para sa akin po nandito lang ako para sa ganda ng proyekto and to inspire people na makakapanood. Yon kasi yung kailangan natin sa mga panahon ngayon, eh,” katwiran ni Xian.
Samantala, bukod sa tatlong bidang lalaki ay kasama rin sa pelikula ang mga dating taga-That’s na sina Janno Gibbs, Jestoni Alarcon, Tina Paner, Monching Gutierrez at marami pang iba.
No comments:
Post a Comment