Respeto at kapayapaan, nabulabog sa isang tahanan!
Ang isang masayang pamilya na nakatira sa iisang bubong ay isa sa pinakamalaking kagalakan sa buhay. Pero paano kung ang nakababatang henerasyon ay nagpapakita ng kawalang-galang sa kanilang mga lolo’t lola, at hindi kayang disiplinahin ng mga magulang? Maaari bang palayasin ng mga lolo’t lola ang mga ito, lalo na kung nag-ambag din ang mga magulang sa bahay?
Ito ang sitwasyon ni Ramona, na ibinahagi niya sa ‘Payong Kapatid’ sa ‘CIA with BA’ noong Hunyo 23.
Ang anak ni Ramona na si Teresa at ang kanyang asawa, kasama ang kanilang anim na anak na may edad 19 hanggang 25, ay bumalik sa kanilang bahay limang taon na ang nakalipas. Walang problema sa simula pero naging magulo ang ugali ng mga apo, hanggang sa nauwi sa pisikal na alitan.
“Ayoko na nga po sana silang magkabalikan kasi magiging magulo lang ang buhay ng anak ko. [Pero] wala naman akong magawa dahil syempre gusto ko rin na [maranasan] ng mga apo ko ‘yung pagiging tatay niya sa mga anak niya. So ayun ho, nagkasama-sama ulit sa bahay,” pagbabahagi niya.
Ipinaliwanag ni Senator Alan Peter Cayetano na ang legal na aksyon ay nangangailangan muna ng seryosong pag-uusap ng pamilya. Gustong ayusin ni Ramona ang isyu nang hindi umaabot sa reklamo sa barangay, pero iginiit ni Teresa na nag-invest din sila sa bahay.
Ipinayo rin niya na maaaring paalisin ni Ramona ang mga ito, pero may proseso, lalo na’t may pinansyal na ambag si Teresa na kailangan patunayan gamit ang mga resibo.
Binigyang-diin ni co-host Senator Pia Cayetano ang kahalagahan ng komunikasyon upang maiwasan ang legal na alitan. “Mahirap ‘yung issue kasi minsan nadadaan din [sana] sa maayos na communication… Marami naman diyan, hindi naman kailangan humantong sa kaso pero with communication sana,” sabi niya.
“We need good examples sa mundong ito and ang best example is ang pamilya na nagrerespetuhan ng bawat isa. Mahirap po. Mahirap. Pero kung gagawan po natin talaga ng paraan, kaya po talaga,” sabi naman ni Kuya Alan.
Tinapos ni Boy Abunda ang episode na may paalala na piliin ang kaligayahan.
Ipinagpapatuloy ng ‘CIA with BA’ ang pamana ng yumaong Senator Rene Cayetano at umeere tuwing Linggo ng 11:00 p.m. sa GMA7, na may replays sa GTV tuwing Sabado ng 10:30 p.m.