Ama, anak, nagkasundo sa Father’s Day episode ng ‘CIA with BA’
“Maraming problema, maraming usaping legal at hindi legal na babalik at babalik ka pa rin talaga doon sa pamilya, sa mga relasyon ng nanay-tatay, tatay-nanay, mga anak at mga magulang, kaya pangalagaan ho natin ang ating mga pamilya.”
Ito ang naging reflection ni Boy Abunda kasama ang mga kapatid niyang co-hosts na sina Alan Peter at Pia Cayetano, sa isang emosyonal na episode ng ‘CIA with BA’ noong Father’s Day, June 16. Tampok sa episode ang isang nakakaantig na kwento ng mag-ama na matagal nang nagkahiwalay dahil sa matinding abuso.
Sa segment na ‘Case 2 Face,’ ikinuwento ni Romel ang mga masakit na alaala ng kanyang ama, si Tatay Ronald, na naging abusado mula pa noong bata siya.
“Simula noong bata ako, mahilig ho siyang manakit. Kahit hanggang ngayon ho, ‘pag nakakainom. Kaya ho ako lumayas do’n sa amin, umiwas ako sa kanya,” ani Romel.
“Panay ang pananakit ‘pag nakakainom, panay sumbat ng mga itinutulong [at] pati pagkamatay ng kapatid ko, sa akin isinisisi,” dagdag pa niya, na nagpapakita ng tindi ng emosyonal na pang-aabuso na kanyang naranasan.
Sa kanyang depensa, ipinaliwanag ni Tatay Ronald na lagi niyang hangad ang kabutihan para kay Romel, kasama na ang pagtutol sa part-time job ni Romel na paglalaro ng scatter slots, isang online casino game.
“Magbago siya para magbago rin ang kinabukasan ng anak niya — apo ko — saka sarili niya mismo,” sabi ng ama.
Ipinaliwanag din ni Tatay Ronald na hindi niya sinisisi si Romel sa pagkamatay ng isa pa niyang anak.
“‘Di ko naman siya sinisisi. Ang gusto ko lang, ‘wag niyang pabayaan. ‘Di ko makaya, pati pagbantay nga sa ospital, tatlong buwan kami sa NKTI, wala siyang maitulong,” sabi niya, na may halong frustration at kalungkutan.
Sa isang makabagbag-damdaming sandali ng pagkakasundo, hinarap ni Tatay Ronald si Romel at humingi ng tawad sa kanyang anak, inamin ang sakit na dulot niya. Si Romel naman ay humingi din ng tawad sa kanyang ama sa hindi pagtupad sa mga pangarap ng ama para sa kanya.
“Patawad kasi ‘yung ine-expect niyong pangarap para sa’kin, hindi ko natupad. ‘Di ko kayo nabigyan ng magandang buhay na dapat ‘yung kapatid ko ang gagawa no’n,” sabi niya. “Pasensya kasi napabayaan ko si Ronamel nung nagkasakit. Patawad kasi naging bulakbol, hindi na nag-aral, pala-bisyo. Lahat ‘yon pinagsisisihan ko na.”
Bilang tanda ng pagkakasundo at pag-asa para sa bagong simula, inimbitahan ni Romel ang kanyang ama na lumipat at manatili na sa kanyang kasalukuyang tinitirhan.
Sa pagtatapos ng segment, siniguro nina Alan, Pia, at Boy na tutulungan nila si Tatay Ronald, Romel, at ang kanyang anak na magsimula muli, kasama ang tulong sa kabuhayan at edukasyon.
Ipinagpapatuloy ng ‘CIA with BA’ ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Senador Rene Cayetano, ang yumaong ama ng magkapatid na senador. Si Senador Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang ‘Compañero y Compañera’ noong 1997 hanggang 2001.
Pinangungunahan nina Alan, Pia, at Boy Abunda, ang ‘CIA with BA’ ay ipinapalabas tuwing Linggo ng 11:00 p.m. sa GMA7, may mga replay sa GTV sa sumunod na Sabado ng 10:30 p.m.
No comments:
Post a Comment