BOY ABUNDA NAGING EMOSYONAL NANG MAGHARAP ANG ISANG AMA AT ANAK NA BAKLA SA CIA WITH BA

Boy Abunda, naging emosyonal nang magharap ang isang ama at anak na bakla sa ‘CIA with BA’

Sa gitna ng pagdiriwang ng Father’s Day at Pride Month, ipinakita ng show na ‘CIA with BA’ ang nakakatabang kwento tungkol sa isang ama na nagsimulang tanggapin ang pagkakaroon ng kanyang anak na bakla, na nagdulot ng emosyonal na reaksyon mula kay host Boy Abunda.

Dumulog si Yuri sa segment na ‘Case 2 Face’ upang ibahagi ang kanyang mga laban kasama ang kanyang ama, si Tatay Marcos, na matagal nang hindi tanggap ang kanyang pagkakakilanlan dahil sa kanyang sekswalidad.

“Gusto niya po akong maging isang tunay na lalake. Ginawa ko naman po ang lahat pero pusong babae po talaga ako,” pahayag ni Yuri.

Inamin ni Tatay Marcos na may mga pagkakataon na nasaktan niya si Yuri na sa kanyang paniniwala ay upang disiplinahin ang kanyang anak.

“Kung sakaling hindi mabago ang pagiging bakla niya, ang gusto ko magsumikap siya sa trabaho. Ayoko nung bigla siyang aalis pagka-sweldo. Ang nagiging ugali kasi niya, pumupunta siya sa mga barkada niya, nakikipag-inuman, do’n tumitindi ang galit ko,” paliwanag ni Tatay Marcos.

Nagbigay ng payo si Senador Alan Peter Cayetano, “We can disagree with his choices pero mahal pa rin siya. We can disagree with [his] lifestyles, pero respetuhin pa rin siya. Karapatan mo na sabihin sa anak mo na, ‘ito ang mali, ito [ang] tama.’”

“Maaaring sa mind mo mas magiging maigi ang buhay niya kapag siya’y naging straight, ‘pag hindi siya bakla, pero ‘pag nilagay mo sa sako’t ginulpi, may epekto po ‘yun ‘tay e,” pagpapatuloy ni Kuya Alan. “Karapatan mo tatay [na sabihin] sa mga anak mo kung ano ang tama’t mali, pero hindi mo karapatan na mag-decide para sa kanila.”

Sa episode, lumabas din na nakipaglaban sa depresyon si Yuri noong mga 18 na taong gulang siya, na halos humantong sa kanyang pagpapatiwakal.

“Anak, kung ano man ang nagawa kong pagmamalupit sa iyo, hindi ko na uulitin kahit kailan. Unti-unti ko rin matatanggap ‘yung katayuan mo bilang bakla. Magtulungan na lang tayo habang mayroon pa akong natitirang lakas dahil hindi naman ako pabata nang pabata. Parang magpanibagong buhay tayo,” mensahe ni Tatay Marcos sa kanyang anak. “Hindi na kita sasaktan. Igagalang ko na lagi ang pagkatao mo.”

Bilang miyembro ng LGBTQIA+ community, nagbahagi si Tito Boy ng kanyang mga saloobin sa pagtatapos ng segment.

“Parati ko pong sinasabi na ang pagmamahal ng isang LGBT person ay pantay sa pagmamahal ng kahit sino. Ipinapaliwanag ko po ‘yung karapatan naming mabuhay,” saad ng award-winning talk show host.

Sa pagtugon kay Tatay Marcos, idinagdag ni Abunda, “Tatay, he’s gay, he’s human, anak ng Diyos po ‘yan, at higit sa lahat, anak niyo po ‘yan kaya ‘yung pagmamahal mo ay hindi dapat ipakiusap ni Yuri. Baka pwedeng titigan ho ninyo, yakapin ho ninyo, mayroong kadakilaan ho ‘yon.”

“Maraming mga bakla, mga lesbian, LGBT people ang inuuna ang kanilang pamilya kaysa sa kanila. Ako, did I choose to be gay? Hindi po. Kami’y naniniwala kasi na anak din kami ng Diyos and we were born, we were created to be who we are. Buksan niyo ho ang puso niyo. Tao ho ‘yan. Mabuting tao ho ‘yan,” pagtatapos ni Abunda.

Ipinagpapatuloy ng ‘CIA with BA’ ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Senador Rene Cayetano, ang yumaong ama ng magkapatid na senador. Si Senador Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang ‘Compañero y Compañera’ noong 1997 hanggang 2001.

Pinangungunahan nina Alan, Pia, at Boy Abunda, ang ‘CIA with BA’ ay ipinapalabas tuwing Linggo ng 11:00 p.m. sa GMA7, may mga replay sa GTV sa sumunod na Sabado ng 10:30 p.m.

No comments:

Post a Comment