‘CIA with BA’: Alan, Pia, at Boy, nagbahagi ng saloobin sa komplikadong usapin tungkol sa lupa ng pamilya
“Sometimes, just like life, it’s complicated.”
Ito ang mga sinabi ni Senator Pia Cayetano habang siya, kasama ang mga ‘CIA with BA’ co-hosts na sina Alan Peter Cayetano at Boy Abunda, ay tinatalakay ang isang komplikadong kaso na kinasasangkutan ng mga miyembro ng pamilya at kanilang lupa.
Sa ‘Case 2 Face’ segment noong May 26 episode, nagreklamo si Estela tungkol sa kanyang hilaw na hipag na si Evelyn, dahil sa pag-aangkin nito ng bahagi ng lupang pinaniniwalaan niyang pag-aari niya. Ayon kay Estela, ang buong lupain ay ibinigay sa kanya ng kanyang yumaong tiyahin. Samantala, ang yumaong kapatid niyang si Geronimo ay binili ang 50-square-meter na bahagi na inaangkin ngayon ni Evelyn. Ang bahaging ito ng lupa ay dating isinangla ni Geronimo kay Rajo, tinubos ni Luisito (kapatid ng asawa ni Estela), at sa kalaunan ay ipinagbili kay Estela dahil sa mga problemang pinansyal.
“Mabigat. Kasi talagang pasa-pasa ‘yung ownership nung lupa and then [may] denial..” sabi ni Pia habang binibigyang-diin ang sitwasyon.
“But you can lessen the complication by documenting, ‘di ba? That’s one reminder we always give. And clarifying the objectives, especially among family,” dagdag niya.
Habang nagpapatuloy ang talakayan, lumabas na may kakulangan sa dokumentasyon sa buong proseso, kung saan nangako ang programa na tutulong sila.
“Kailangan talaga matuto tayong mag-agree to disagree… Hindi mawawala ‘yung stress e, hindi mawawala ‘yung [feeling na] parang anxious ka, hindi mawawala ‘yung [thought na] ‘sana ma-solve na ‘to ulit.’ Pero nadadagdagan kasi kung ‘yung away, manganganak.,” komento ni Kuya Alan sa pagtatapos ng episode.
Para naman kay Tito Boy, sinabi nya na: “Hindi maluluma ‘yung konsepto na, ‘Let’s build relationships.’ Ang daming maiiwasan na gulo kung merong mga relasyon. Importante kasi na napapaalalahanan tayo kung saan tayo nanggaling, ano ang ating kwento. Because if we’re able to celebrate our story, ‘yung ating present, ‘yung ating now, ay--hindi ko man masasabi na lahat ng ating problema ay maso-solve pero—mas klaro ang perspektibo, ang point of view, dahil alam mo ang iyong pinanggagalingan.”
Ang episode ay nagtapos sa pagbibigay-diin sa kahalagahan ng tamang dokumentasyon at malinaw na komunikasyon sa paglutas ng mga alitan sa pamilya, na naglalagay ng halaga sa relasyon at pagkakaunawaan.
Ipinagpapatuloy ng ‘CIA with BA’ ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Senador Rene Cayetano, ang yumaong ama ng magkapatid na senador. Si Senador Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang ‘Compañero y Compañera’ noong 1997 hanggang 2001.
Pinangungunahan nina Alan, Pia, at Boy Abunda, ang ‘CIA with BA’ ay ipinapalabas tuwing Linggo ng 11:00 p.m. sa GMA7, may mga replay sa GTV sa sumunod na Sabado ng 10:30 p.m.