CIA WITH BA : AMA SABLAY ANG SUSTENTO SA MGA ANAK

CIA with BA: Ama, sablay ang sustento sa mga anak!

Dumulog si Irah sa public service program na ‘CIA with BA’ para ireklamo si Junell dahil sa hindi nito pagiging patas sa pagbibigay ng suporta sa kanilang dalawang anak.

Sa segment na ‘Case 2 Face’ ng episode nitong Linggo, Mayo 19, sinabi ng nagrereklamo, “Bale ngayong taon po, dalawang beses ko na po siyang pina-VAWC.”

“Nagkaroon po kami ng kasunduan doon na every month po, P6,000 po ‘yung ipapadala niya para sa mga bata,” dagdag niya. “Siya po ‘yung nagbigay ng [amount].”

Ayon kay Irah, nagsimula ito sa P4,000 noong 2019 pero noong nag-pandemya, humiling si Junell na itigil muna ang pagbibigay ng pera kahit na may trabaho siya bilang food delivery rider.

Para sa kaalaman ng lahat, ipinaliwanag ni Senator Alan Peter Cayetano ang sinasabi ng batas tungkol sa ganitong sitwasyon.

“May sinabi ang Supreme Court na ‘pag ika’y walang pera, ikaw ay mahirap, wala kang ibibigay, hindi naman para ikulong ‘yung hindi nagbibigay ng suporta… kasi hindi naman crime ang poverty, especially sa bansa na marami talagang mahirap,” paliwanag niya.

“Ang criminal offense ay dalawa: willful infliction of psychological violence upon the woman and her child by denying them the financial support that is legally due them,” patuloy niya. “So, halimbawa, ilang buwan kang walang pera pero meron ka ngayon, pero hindi mo binigay, at nagdulot ito ng psychological violence sa babae at sa kanyang anak, krimen pa rin ‘yan.”

“‘Yung pangalawa ay: For the purpose of controlling or restricting the woman or her child’s movement or conduct,” sabi niya.

“Ibig sabihin parang bina-blackmail mo. So especially kung ‘yung nanay at anak walang pera, tapos sinabi mo, ‘Sige ‘pag hindi ka pumunta dito or kung hindi mo gawin ‘to, iipitin ko ‘yung suporta,’ kasi dapat walang kapalit ‘yung suporta na ‘yon dahil obligasyon ‘yon bilang ama,” dagdag niya.

Sa harap nina Alan, Pia Cayetano, Boy Abunda, at Irah, nangako si Junell na magiging konsistent sa kanyang pinansyal na suporta, na nagkasunduan sa P4,000 bawat buwan. “Wala naman akong magagawa kung ‘yon lang talaga ang kaya niya,” sabi ni Irah na pinuri ni Ate Pia.

“Magandang attitude ‘yon. Kasi sabi naman ng batas, ang obligasyon magbigay ng suporta ay naaayon sa kakayanan ng nagbibigay, at sa pangangailangan,” sabi niya.

“Kung hanggang saan ang kaya mong ibigay pero syempre kung kaya mong dagdagan ‘yung 4,000, okay sana ‘di ba? Pero ayusin mo ‘yung commitment mo. Kung kailangan ka pang habulin, pupwedeng ituring ‘yon na nananadya ka na,”  diin ni Pia.

Dagdag ni Kuya Alan, handang tumulong ang show kung sakaling magdesisyon si Junell na kumuha ng vocational course sa TESDA.

Kasama ng P2,000 para sa bagong delivery bag mula sa show, sinabi ni Tito Boy na magbibigay siya ng P9,000 para sa panghulog ng kanyang motorsiklo.

Ipinagpapatuloy ng ‘CIA with BA’ ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Senador Rene Cayetano, ang yumaong ama ng magkapatid na senador. Si Senador Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang ‘Compañero y Compañera’ noong 1997 hanggang 2001.

Pinangungunahan nina Alan, Pia, at Boy Abunda, ang ‘CIA with BA’ ay ipinapalabas tuwing Linggo ng 11:00 p.m. sa GMA7, may mga replay sa GTV sa sumunod na Sabado ng 10:30 p.m.

No comments:

Post a Comment