Senator Alan Peter Cayetano, ipinaalala sa mga manonood ng ‘CIA with BA’ ang kapangyarihan ng mga salita
Sa episode ng ‘CIA with BA’ nitong Nobyembre 17, nagbahagi si Senador Alan Peter Cayetano ng mahalagang pananaw tungkol sa kapangyarihan ng mga salita kasama ang kanyang mga co-host na sina Senador Pia Cayetano at Boy Abunda.
Habang papatapos na ang episode, nagtanong si Kuya Alan sa mga manonood at sa Mariteam: “Naniniwala ba kayong may power sa words?”
Napansin niya kasi kung paano madalas na minamaliit ng mga tao, lalo na ng mga ina, ang kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng pagdaragdag ng salitang “lang” kapag inilalarawan ang kanilang mga responsibilidad sa bahay.
“Kasi napapansin ko ‘pag tinatanong, lalo [‘yung mga nanay], ang sagot, ‘Sa bahay,’ tapos may ‘lang,’” ani Kuya Alan.
Binigyang diin niya na bagama’t maaaring nagtatrabaho ang asawa mula 9 to 5, ang mga nananatili sa bahay ay nagtatrabaho 24/7. Ipinunto rin niya na kinikilala ng batas ang pantay na kahalagahan ng kanilang kontribusyon.
“Yes, nagtatrabaho ‘yung spouse, minsan 9 to 5, minsan longer. Pero ‘pag homemaker ka, 24/7 ka. Even sa batas, kinikilala na equal ang inyong kontribusyon at trabaho,” aniya. “’Pag nila-lang natin [ang] sarili natin, bakit, hindi ba marangal ang trabaho?”
Hinikayat niya ang lahat na kilalanin ang halaga ng kanilang ginagawa, at nagtapos sa pagsasabing, “If there’s power in words, let’s start practicing it.”
Sumang-ayon naman si Boy Abunda sa ganitong pananaw at nagbahagi ng personal na kwento.
“Importante talaga ‘yon,” sabi niya habang inalala ang kanyang pagkabata sa Samar. “Pagka kinukumusta kami, ako nakalakhan ko, [na isinasagot], ‘Ito, Waray.’ It’s a way of humbling ourselves.”
Ang pag-uusap ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng wika sa paghubog ng ating pag-iisip at kung paano natin nakikita ang ating mga tungkulin, na nagpapakita ng panawagang pahalagahan ang bawat pagsusumikap at responsibilidad.
Ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy sa pamana ng yumaong Senator Rene Cayetano at napapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, may mga replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m.