YES OR NO PWEDE BANG TUMANGGAP NG MAMAHALING REGALO ANG MGA EMPLEYADO NG GOBYERNO?

Yes or No’: Pwede bang tumanggap ng mamahaling regalo ang mga empleyado ng gobyerno?

Sa nalalapit na Kapaskuhan, isang makabuluhang tanong tungkol sa pagtanggap ng regalo ang tinalakay sa episode ng ‘CIA with BA’ nitong Linggo, Disyembre 15.

Sa segment na ‘Yes or No,’ ibinahagi ni Nico, isang empleyado ng gobyerno, ang isang senaryo tungkol sa pagtanggap ng mamahaling regalo — isang cellphone — mula sa isang private organization na nakatrabaho niya sa isang proyekto.

Bago pa man makapagtanong, agad nang kinuha ni Senator Alan Peter Cayetano ang cellphone mula sa kanya. Tanong ni Nico, “Since Pasko naman, okay lang po ba na tanggapin ko ang regalo nila?”

“No!” ang diretsahang sagot ni Kuya Alan. “Kaya ko nga kinuha. Isosoli natin ‘to.”

Ipinaliwanag ng senador ang mga umiiral na batas tungkol sa pagtanggap ng regalo at bribery. “Marami tayong batas tungkol sa regalo at tungkol sa bribery,” aniya.

Ayon sa mambabatas, ang mga regulasyong ito ay naglalayong protektahan hindi lamang ang publiko kundi pati ang mga empleyado ng gobyerno. Ang pagtanggap ng mga mamahaling regalo ay ipinagbabawal upang maiwasan ang mga sitwasyong maaaring magmukhang suhol o bribery.

“Halimbawa, birthday mo o Pasko, may magbibigay ng pagkain, ‘yan pwede ‘yan,” paliwanag niya. “Pero ‘yung magbibigay ng mamahaling regalo, merong mga batas na laban diyan saka iniingatan din ‘yung bribery. Iniisip nung iba kasi, ‘O, ibigay ko sa ‘yo ‘to, pirmahan mo ‘yung papeles.’ ‘Yun yung direct bribery.”

Tinalakay din niya ang konsepto ng indirect bribery, kung saan maaaring gamitin ang mamahaling regalo upang maimpluwensyahan ang opisyal kahit walang tahasang hinihingi. “Halimbawa maraming permit na kailangan sa ‘yo, pero wala pa kong hinihingi at binigyan na kita ng mamahalin, baka i-charge ka ng indirect bribery. Kumbaga bina-butter up ko na siya.”

Ang segment ay nagbigay ng mahalagang paalala sa mga empleyado ng gobyerno tungkol sa tamang asal at pagsunod sa batas, lalo na ngayong Kapaskuhan kung kailan karaniwan ang pagbibigayan ng regalo. Sa pamamagitan ng ganitong mga diskusyon, patuloy na nagbibigay-kaalaman ang ‘CIA with BA’ upang gabayan ang mga manonood sa tamang pagsunod sa mga etikal na pamantayan sa pamahalaan.

Ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy sa pamana ng yumaong Senator Rene Cayetano at napapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, may mga replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m.

No comments:

Post a Comment