Bocaue, Bulacan- Kung ang Chicago ay may Lollapalooza at ang California ay may Coachella, ang Pilipinas may Summer Blast! Tampok ang bigating concert experience, samu't saring pasyalan, amusement rides, booths at summer-themed attractions, talaga namang nag-level up pa ang event ngayong 2023.
Mahigit 120,000 katao ang nagtungo sa Philippine Arena Complex, Ciudad De Victoria, Bocaue, Bulacan nitong Mayo 13 para makilahok sa Summer Blast. Batay sa mga ulat, walang naging aberya sa trapiko dahil sa bagong sistema ng traffic flow management na ipinatupad.
Nakisaya at nakikanta naman ang music fans sa performances ng mga bigating artists tulad ng Sponge Cola, Silent Sanctuary, Rocksteddy at si Gloc-9. Dinumog ang Philippine Sports Stadium na halos di mahulugang-karayom sa dami ng nanood.
Hindi lang ang mga manonood ang natuwa sa concert. Mismong ang mga artist, nagpahayag rin ng kanilang naging experience.
"Masyadong Masaya! Maraming salamat sa pagmamahal Hanggang sa muli!" sambit ni Gloc-9.
Hindi rin nagpahuli ang Silent Sanctuary na nag-post sa kanilang official page ng "It really was a blast!"
Nagtanghal rin ang Soapdish, Bandang Lapis, Sunkissed Lola, Dilaw, Jumanji, Calista, Lunar Lights, Eclipse, Goodwill at si Noah Alejandre.
Lumutang ang galing at charisma ng bandang Dilaw na sumikat sa kanilang kantang 'Uhaw.' Sakto sa tag-init ang kanta at ayon sa banda, na-excite sila sa dami ng nanood.
"We're super excited, a bit nervous, it's our first time playing in a venue like this. The idea of playing in a venue like this is very exciting," pahayag ng banda sa isang interview.
Marami rin ang nabilib at napahanga sa bandang Sunkissed Lola. Ito umano ang unang beses na nakatugtog sila sa napakalaking crowd.