Boy Abunda, pinuri sina Alan Peter at Pia Cayetano sa pagbabahagi ng kaalaman tungkol sa batas sa ‘CIA with BA’
Ipinahayag ni Boy Abunda ang kanyang paghanga sa mga co-host niyang sina Senador Alan Peter at Pia Cayetano, lalo na ang kanilang pagsusumikap na ipaliwanag ang mga kumplikadong aspeto ng paggawa ng batas.
Sa episode ng public service program na ‘CIA with BA’ nitong Linggo, Oktubre 13, kinilala ng award-winning na host ang kahalagahan ng mga karanasan at kaalaman ng magkapatid na senador na nagbibigay ng lalim sa mga talakayan sa programa.
“Natutuwa ako ‘pag sinasabi ni Ate Pia, ‘Batas ko ‘yan,’” wika ni Abunda at binigyang diin kung paano nito natutulungan ang mga manonood na maunawaan ang tungkulin ng mga senador sa labas ng mga kilalang Senate investigations. Napansin niya na ang kanilang pamamaraan ng pagpapaliwanag ng mga batas, kahit pa sa mga tila simpleng isyu tulad ng mga kaso ng pagkagat ng aso, ay nagpapakita ng kanilang malasakit sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.
“Pero pag sinasabi nina Kuya Alan, Ate Pia, ‘Alam niyo nung inaaral namin ang batas na ‘yan, pagkagat lamang ng aso,’” pagpapatuloy pa ni Abunda, na binigyang-diin na kahit mukhang maliit na usapin lamang ito sa ilan, ipinapakita ng ganitong detalyadong atensyon ang kanilang malalim na dedikasyon sa pampublikong serbisyo.
Dagdag pa niya, “I’m always delighted ‘pag sinasabi niyo na, ‘Ito ‘yung pinagdaanan namin, ito ‘yung naging debate namin nung ginagawa namin ang batas na ito,’” bilang pagkilala na ang pagbabahagi ng kanilang karanasan sa paggawa ng mga batas ay nagbibigay ng mahalagang dimensyon sa mga talakayan sa programa.
Habang nagbabalik-tanaw sa isa sa mga kasong natalakay sa episode, pinuri ni Abunda ang paalala ni Alan tungkol sa kahalagahan ng agarang pag-aksyon sa maliliit na problema upang hindi ito lumaki at lumala.
Bilang tugon sa repleksyon ni Alan, ibinahagi ni Abunda ang kanyang sariling pananaw: “Ito natutunan ko sa mga pinapanood kong palabas [na] merong mga bagay na hindi tayo komportableng gawin, may mga bagay na hindi tayo komportableng sabihin. Sabi nila, ‘Do the opposite action.’ Labag man sa pride mo kasi ‘yon ang nangingibabaw, do it. Because when you do something that is difficult pero ‘yung dulo no’n ay katahimikan, [do it].”
Ang kanyang repleksyon ay isang makapangyarihang paalala tungkol sa kahalagahan ng pagpapakumbaba at ng paggawa ng mahihirap na hakbang para sa kapayapaan. Ito ay kaakibat ng mensaheng nais iparating ng mga mambabatas sa programa—ang paghikayat sa maagap na solusyon sa mga hamon ng buhay, maliit man o malaki.
Ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy ng legasiya ng yumaong Senator Rene Cayetano at umuere tuwing Linggo ng 11:00 p.m. sa GMA7, na may replay sa GTV sa susunod na Sabado ng 10:30 p.m.
No comments:
Post a Comment