‘CIA with BA’ nagbabala sa mga OFW laban sa online scammers
Dapat magsilbing paalala ang kaso na tinutukan ng ‘CIA with BA’ nitong Linggo, Hulyo 7, lalo na para sa Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa segment na ‘Payong Kapatid’, humingi ng tulong si Cristina para sa kapatid niyang si Nancy, isang OFW na sumali sa isang ‘online paluwagan,’ isang impormal na sistema ng pag-iipon at pautang na ayon kay Senator Alan Peter Cayetano ay pinapayagan at hindi labag sa batas.
Kwento ni Cristina, naghulog si Nancy ng P5,600 kada buwan sa loob ng walong buwan sa isang online paluwagan. Ang usapan ay maghulog ng sampung buwan. Kapalit nito, dapat makatanggap si Nancy ng P30,000 at isang videoke set. Pero nang dumating na ang oras para matanggap niya ang pera at appliance, sinabi ng organizer na walong buwan lang siya naghulog, hindi sampu.
“Ke nakasulat ‘yan, ke ‘yan ay nasa Facebook o nasa isang kontrata, o salitaan lang, ‘yan ay [contractual obligation],” sabi ni Kuya Alan, na binibigyang-diin na anumang porma ng kasunduan, nakasulat man o verbal, ay may bisa sa batas.
Ipinunto naman ni Senator Pia Cayetano ang kahalagahan ng pag-intindi sa mga investment terms. “Iba kasi ‘yung investment na walang pangako at iba ‘yung investment na klaro ‘yung maibabalik sa ‘yo. ‘Yon ‘yung napaka-importante, na basahin ‘yung nakasulat do’n kasi baka naikwento lang, akala niyo ‘yun ‘yung totoo tas aasahan niyo ‘yon, wala kayong mahahabol do’n ‘pag ganon.”
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pag-iingat, lalo na kung ang ipinapangako ay masyadong maganda para maging totoo: “And ang number one rule talaga is the more na malaki ‘yung pinapangako, the more na kailangang mag-ingat.”
Nangako ang programa na hihilingin sa mga awtoridad na imbestigahan ang kaso at tutulungan sina Cristina at iba pang taong maaaring nabiktima ng parehong paluwagan group na maghain ng kaso.
“Sa ating mga mahal na OFWs at syempre sa lahat ng hardworking Filipinos, hard-earned ‘yung pera niyo at alam naming gusto niyo lang madagdagan ng konting value ‘yung pera na kinita niyo pero talagang lahat ng klaseng scam, nandyan, at usually ang tina-target pa nito, kung hindi ‘yung mga may edad na, ‘yung mga nasa ibang bansa. We want to be of help to you but we have to do it—‘yung programa, ‘yung gobyerno—with you,” babala ni Kuya Alan.
Para naman kay Boy Abunda, pinayuhan niya ang mga manonood: “Anything that sounds so easy—‘yung halimbawa napakadali, kikita ka ng sampung libo—tayo’y magduda.”
Ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy sa legacy ng yumaong Senator Rene Cayetano at napapanood tuwing Linggo ng 11:00 p.m. sa GMA7, may replays sa GTV tuwing Sabado ng 10:30 p.m.
No comments:
Post a Comment