Mga nakunan, maaaring mag-file ng maternity leave!
Sa pagdiriwang ng Buwan ng Mga Kababaihan, nagbigay ng libreng konsultasyong legal ang public service program na ‘CIA wita BA’ tungkol sa mga batas na may kinalaman sa kababaihan.
Isa sa mga natalakay sa segment na ‘Yes or No’ sa episode nitong Linggo, Marso 24, ay ang posibilidad na mag-file ng maternity leave kapag ang isang babae ay nakunan.
“Meron po kasi akong kaibigan na recently, unfortunately po, nakunan po siya,” tanong ni Aya ng Mariteam. “Ngayon sabi po sa ‘kin nung iba ko namang kaibigan na pwede naman daw po siyang mag-avail pa rin ng maternity leave dahil kailangan na kailangan po ito ng katawan niya. Totoo po ba ‘yon?”
Deretso mula kay Senador Pia Cayetano, na mismong principal author at sponsor ng Republic Act No. 11210 o Implementing Rules and Regulations (IRR) of the 105-Day Expanded Maternity Leave Law, nakakuha si Aya ng sagot na ‘yes.’
“’Pag nakunan ang isang babae, covered talaga ‘yan sa maternity leave law,” diin ni Ate Pia.
Paliwanag niya: “Ang maternity leave law is 105 days kasi it takes into consideration na mag-aalaga ka ng baby, ‘di ba? Not necessarily na ‘yung katawan mo aabutin ng 105 days mag-recover pero matagal mag-recover ang pagpapaanak, tapos nagpapasuso ka pa, nag-aalaga ka pa, kaya we extended that to 105.”
Sabi ni Pia, kapag nakunan ang isang babae, ang leave ay maaaring magtagal ng hanggang 60 araw.
Ayon sa Section 4 at Section 5 ng batas na naipasa noong taong 2018, para sa mga babaeng manggagawa sa pribado at pampublikong sektor, “maternity leave of sixty (60) days, with full pay, shall be granted for miscarriage or emergency termination of pregnancy.”
Ang ‘CIA with BA’ ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Senador Rene Cayetano, ang yumaong ama ng magkapatid na senador. Si Senador Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang ‘CompaƱero y CompaƱera’ noong 1997 hanggang 2001.
Huwag palampasin ang ‘CIA with BA’ kasama sina Alan, Pia, at award-winning TV host na si Boy Abunda tuwing Linggo ng gabi, 11:00 sa GMA7.
No comments:
Post a Comment