‘CIA with BA:’ Tama bang HINDI magbigay sa mga nangangaroling?
Tunay ngang nasa hangin na ang Kapaskuhan at napaka-timely ng isang katanungan na lumabas sa ‘Yes or No’ segment ng ‘CIA with BA’ sa episode nitong Linggo, Disyembre 3.
Ibinahagi ni Richard Knows ng ‘Mariteam’ ang isang nakakatawa ngunit ‘di kanais-nais na pangyayari sa pangangaroling niya kasama ang kanyang grupo.
“Every year po kasi, nangangaroling kami. Mayroong may magandang bahay sa amin, nangaroling kami [at] pinapasok kami… tapos pinakanta kami nung may-ari. Nag-perform kami, sumayaw-sayaw pa, pina-tumbling pa ‘ko, daming pinagawa sa akin,” kwento niya.
“Alam niyo po, ang ending, hindi po kami binigyan. Tama po ba ‘yon?” tanong ni Richard.
“It’s a very interesting question. Kung ako [ang] judge, ang sasabihin ko, oobligahin ko ‘yung may-ari na may ibigay,” saad ng host at mambabatas na si Alan Peter Cayetano. “Kung ang tanong ay ‘may obligasyon ba?’ Yes!”
Idinetalye ni Kuya Alan: “Bakit? Kasi kung nangangaroling sa harap ng bahay mo [at] sabihin mo, ‘next time!,’ ‘thank you!,’ wala kang obligasyon, wala naman kayong kontrata e. ‘Di ba?”
“Pero kung pinapasok sa bahay at nagrequest pa ng kanta… ‘yung nagca-caroling ka bahay-bahay, everyone knows na ibig sabihin – whether for yourself or for charity – humihingi ka. So for me, abuso ng kanyang karapatan na pinapasok ka tapos pinakanta ka pa, [tapos] walang binigay,” pagpapatuloy niya.
Ipinaliwanag rin ni Kuya Alan na magkaiba ang mga kumakanta ng Christmas carols sa mga tiyak na lugar at ang mga nagba-bahay-bahay para mangaroling.
“By the way, iba ‘yung singing Christmas carols, iba ‘yung caroling. Kasi ‘yung mga, halimbawa, nasa public park, nagco-concert sila, ginagawa ‘yon para matuwa [ang mga] tao o kaya ‘yung mismong mall binabayaran sila, they’re singing Christmas carols to entertain, to make [people] happy. Wala kang obligasyon maglagay (magbigay),” aniya.
“Pupunta sila, let’s say sa mga ospital – sa mga bata o sa matatanda – kakanta, they don’t expect anything. Hindi sila biglang magsasabi na, ‘O, mga pasyente, magbigay kayo!’ dagdag pa ni Kuya Alan.
Kasalukuyang nasa ika-apat na season ang ‘CIA with BA’ mula noong umere ito noong Pebrero 5, 2023.
Ang ‘CIA with BA’ ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Senador Rene Cayetano, ang yumaong ama ng magkapatid na senador. Si Senador Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang ‘Compañero y Compañera’ noong 1997 hanggang 2001.
Huwag palampasin ang ‘CIA with BA’ kasama sina Alan, Pia, at award-winning TV host na si Boy Abunda tuwing Linggo ng gabi, 11:30 sa GMA7.
No comments:
Post a Comment