Isang nagngangalang Aling Nora ang humingi ng tulong sa public service program na ‘CIA with BA’ para humingi ng tulong kaugnay ng kanyang perang in-invest sa isang insurance company.
Sa segment na ' Payong Kapatid ' episode ng CIA With BA nitong Setyembre 17, ay hindi maiwasang maging emosyonal ni Aling Nora na isang senior citizen habang nakikinig sa payo nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano at TV host na si Boy Abunda patungkol sa hindi na nitong makuhang perang pinaghirapan niya.
Pinaghirapan ni Aling Nora ang pera na inihulog niya sa Loyola Consolidated Plans. Kinita niya ito mula sa pagtatrabaho bilang overseas Filipino worker sa Singapore mula 2012 hanggang 2016.
At nung 2019 ay nagdesisyon siyang kunin ang pondo ngunit ang sabi sa kanya ng mga nasa insurance company ay patuloy lamang siyang mag-follow up.
“Meron pa nga pong nakalagay do’n sa papel ko na makukuha ko na [by] January 19, 2019,” kwento niya. “Nung pumunta ako, ang sabi nila wala pang pera ang Loyola.”
“E pinaghirapan ko po ‘yon, magkano lang ang sahod namin sa Singapore that time. Dapat po ‘yung panghulog ko sa Loyola na ‘yan, dapat ipanghuhulog ko sa NHA (National Housing Authority) para magkaroon ako ng lote,” pagpapatuloy ni Aling Nora.
Ayon kay Senador Alan, “Sa batas mismo, pag within 15 days at hindi ibinigay ‘yung claim mo at tama [naman] ‘yung claim mo, pwede ka nang pumunta sa Insurance Commission (IC). Hindi lang ‘yung claim, pati ‘yung danyos ay pwede mo nang i-claim ‘yon.”
“What we’re going to do is our lawyers are going to accompany you. We’re going to ask, not only for you pero pati dun sa mga iba na naipit nga dito sa Loyola… I will make sure na mapanood ng Insurance Commission itong testimony mo kasi kung hindi lang ito sa’yo nangyayari, hindi ‘yan talaga ‘yung intent nung mga reforms na ginawa,” sabi niya.
Sa pagtatapos ng segment, ini-report ng CIA with BA na ayon sa IC, ang insurance company na nabanggit ay under receivership proceedings dahil sa financial deficiencies. Para sa proteksyon ng planholders, nag-issue ang IC ng stay order kung saan ang mga payment to claims ay suspendido hanggan sa magkaroon ng sapat na assets converted to cash at handa na para sa distribution.
Sinigurado rin ng IC na ang pangalan ni Aling Nora ay nasa listahan ng kanilang schedule for planholders’ benefit payable.
“I’m grateful na may opportunity tayo to do public service because beyond the legal advice, meron tayong mga after-the-show support na mabibigay,” sabi ni Senator Pia sa pagtatapos ng episode.
Ang ‘CIA with BA’ ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Senador Rene Cayetano, ang yumaong ama ng magkapatid na senador. Si Senador Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang ‘Compañero y Compañera’ noong 1997 hanggang 2001.
‘Wag palagpasin ang ‘CIA with BA’ kasama sina Alan, Pia, at award-winning TV host na si Boy Abunda tuwing Linggo ng gabi, 11:30 sa GMA7.
No comments:
Post a Comment