REINVENT PA MORE!
Abante Teletabloid may bagong newscast, public service programs.
Patuloy sa pagsulong ang Abante Teletabloid, ang digital evolution ng nangungunang tabloid sa Pilipinas, upang higit pang makapaghatid ng balita sa mga Pilipino sa loob at labas ng bansa.
Sa Lunes, Oct. 10, 2022, dalawang programa ang ilulunsad ng trailblazer na tabloid sa online platforms nito.
Isa dito ang Abante Teletabloid, ang pinaka-unang tabloid newscast sa bansa.
Mapapanood ito ng 6 a.m. – 7 a.m. mula Lunes hanggang Biyernes sa Abante website, Facebook, YouTube, Instagram, Twitter at Tiktok accounts.
Ang multimedia icon na si Mr. Fu ang tatayong anchor ng programa, at inaasahang ang kanyang unique na personalidad ay lalong magpapatingkad sa unconventional format ng show.
Mapapanood sa Abante Teletabloid ang mga pinakahuling kaganapan sa bansa at sa buong mundo kabilang na ang mga balitang pulitikal, pang-probinsya, business at sports, pati na rin ang mga crime, entertainment at iba pang human interest stories.
Samantala, ang newscast ay susundan naman ng public service program na i-Abante Mo!, isang oras na programa mula Lunes hanggang Biyernes, 7 a.m. - 8 a.m.
Ang beteranong broadcast journalist na si Sol Aragones at si Jigo Postolero naman ang mga host ng i-Abante Mo!, na naglalayong tulungan ang publiko sa kanilang mga hinaing at problema sa trapik, physical at sexual abuse, gusot sa barangay at iba’t ibang modus ng mga sindikato.
Tatalakayin din dito ang mga national issues tulad ng korapsyon, security threats at problemang pang-kalusugan sa layuning mapabilis ang pag-resolba sa mga ito.
Ang Abante Teletabloid at i-Abante Mo! ang unang batch ng mga ilulunsad na programa ng Abante upang palakasin ang digital programming content nito.
Ang launching ng dalawang programa ay kasabay ng ikalimang anibersaryo ng long-running tabloid sa bago nitong may-ari, ang Prage Management Corporation (PMC).
No comments:
Post a Comment