Kakaibang Christmas "spirit" ang mararamdaman natin sa pagdating ng The Exorsis sa mga sinehan para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong Disyembre 25.
Ang The Exorsis ay isang horror-comedy film na pinagbibidahan ng box office queens at certified comedic duo na sina Ultimate Multimedia Star, Toni Gonzaga, at ng Country’s Top Influencer, Alex Gonzaga. Mula sa pelikula nilang “Mary, Marry Me” noong 2018, nagbabalik MMFF ang Gonzaga sisters para muling magbigay ng kasiyahan sa buong pamilya.
Kwento ito ni Gina (Toni Gonzaga) at ni Dani (Alex Gonzaga), magkapatid na malaki ang pagkakaiba ng mga ugali. Si Gina ay isang pormal at goal-oriented na tao, samantalang si Dani naman ay pa-easy-easy lang sa buhay. Sa pagkakaulila sa mga magulang, naging responsibilidad na ni Gina bilang panganay na alagaan ang kanilang pamilya, at ang kanyang grocery business ang nakatulong na makapagtaguyod sa kanila ng kanyang kapatid. Gumawa naman ng paraan ang tadhana upang matupad ni Gina ang mga naudlot niyang pangarap at nabigyan ito ng pagkakataon na makapunta sa abroad, pero nagdadalawang isip si Gina na ituloy ito sa pag-aalalang hindi kaya ng iresponsableng si Dani na i-manage at alagaan ang pinaghirapan niyang grocery business.
Isang gabi, may isang misteryosang babaeng nagngangalang Leng-Leng ang mapapadaan kina Gina at maaaksidente mismo sa harap ng kanilang grocery at sa kasawiang palad ay babawian ng buhay. Gagala ang espiritu nito at sasanib kay Dani. Aatakehin nito ang lahat ng makita, maging ang kanyang kapatid. Magiging malala ang sitwasyon ni Dani at hahanap si Gina ng paraan upang matulungan at maprotektahan ang kapatid, at maligtas si Dani sa masamang espiritu ni Leng-Leng na sumanib sa katawan nito.
Matapos ang virtually celebrated festival noong nakaraang taon dahil sa pandemya, magbabalik muli sa mga sinehan ang 47th Metro Manila Film Festival, at isa ang The Exorsis sa mga official entries na pasok para sa prestihiyosong pagdiriwang na ito.
Co-produced ng Viva Films at TinCan film production, ang pelikulang ito ang reunion project nina Alex at Toni. Pinahayag ng magkapatid sa kanilang mga social media kung gaano sila kasaya para sa kanilang paparating na pelikula, “Yehey! We made it to this year’s MMFF! See you sa Pasko!" (Yehey, pasok tayo sa MMFF ngayong taon! Magkita-kita tayo sa pasko!”) saad ni Toni sa kanyang Instagram account kung saan pi-nost ng aktres ang poster ng pelikula, pinromote din ito ni Alex sa kanyang account at nag post naman ng isang pang poster ng pelikula at may caption na “Mga sissss!! Deserve ninyong tumawa ng natatakot ngayong Pasko. Balik sine na tayo! Ito na #TheExorSis. December 25 sa mga sinehan!"
Ang pelikulang ito ay mula sa up-and-coming na direktor na si Fifth Solomon, na isa ring malapit na kaibigan ni Alex at direktor ng pelikula niyang “Nakalimutan Ko Nang Kalimutan Ka.” Si Fifth Solomon din ang nagsulat at direktor ng “Dulo”, isang Vivamax Original movie na mapapanood na sa darating na Disyembre 10.
Ang The Exorsis ay kwento ng pamilya at ng walang kondisyong pagmamahal sa kanila. Ihanda ang sarili na tumawa, umiyak at matakot. Mapapanood na ang The Exorsis sa mga sinehan ngayong Disyembre 25 bilang official entry para sa 47th Metro Manila Film Festival.
No comments:
Post a Comment