CIA with BA’: Ex na 'di maka-move on, death threat ang panakot
Dumulog si Belinda (hindi niya tunay na pangalan) sa segment na ‘Payong Kapatid’ upang humingi ng tulong at payo tungkol sa kanyang ex-boyfriend na patuloy na nananakot at nanggugulo matapos niyang makipaghiwalay.
Ayon kay Belinda, malinaw na niyang sinabi sa dating kasintahan na ayaw na niyang makipagbalikan, ngunit hindi ito matanggap ng lalaki.
“May mga ginugulo siyang mga tao para maka-reach out sa’kin,” aniya. “Kapag nagkikita naman po kami, nananakit naman po siya.”
Ang sitwasyon ay mas lalong lumala nang magsimula ang lalaki na gumamit ng death threats upang pilitin siyang bumalik sa relasyon.
“’Pag hindi ko siya sinunod, papatayin niya ‘yung nanay ko, ‘yung mga kapamilya ko, mga kaibigan ko, ‘yung mga kakilala ko,” wika ni Belinda.
Dahil dito, hindi na raw alam ni Belinda kung ano ang dapat niyang gawin upang tuluyan nang matigil ang pangha-harass ng kanyang dating kasintahan.
“Hindi ko na po alam ‘yung gagawin ko para tumigil na po siya, kasi ayoko na po talagang makipabalikan sa kanya,” diin niya.
Ibinahagi ni Senador Pia Cayetano, kasama ang kanyang mga abogado, ang mga hakbang na maaaring gawin ni Belinda upang maprotektahan ang sarili.
Una rito ay ang pagkuha ng Barangay Protection Order (BPO). Isang legal na hakbang na inisyu ng barangay upang protektahan ang mga biktima ng domestic violence o pang-aabuso at may bisa sa loob ng 15 araw. Kasama ito sa mga proteksyon na nakasaad sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act (Anti-VAWC) ng 2004 (RA 9262).
Bilang alternatibo, ipinayo ni Ate Pia, kasama ang kanyang mga abogado, na maaari ring magsampa si Belinda ng Temporary Protection Order (TPO) mula sa korte. Isang legal na hakbang na nagbibigay ng agarang proteksyon sa mga biktima ng domestic violence o pang-aabuso habang ang korte ay nagdedesisyon ukol sa isang pangmatagalang solusyon tulad ng Permanent Protection Order (PPO).
Sinamahan din ng programa si Belinda sa kanilang barangay upang magsampa ng reklamo. Nangako ang mga kinauukulan na sila mismo ang makikipag-ugnayan sa barangay kung saan nakatira ang inirereklamo upang matiyak na maayos ang pagproseso ng kaso.
Ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy sa pamana ng yumaong Senator Rene Cayetano at napapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, may mga replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m.
No comments:
Post a Comment