KARAPATAN NG KABABAIHAN AT MGA BATA MULING ITINAMPOK SA CIA WITH BA PARA SA AWARENESS MONTH

Karapatan ng Kababaihan at Mga Bata, muling itinampok sa ‘CIA with BA’ para sa Awareness Month

Sa pagdiriwang ng Awareness Month for Violence Against Women and Children, na kasabay ng National Children’s Month, ang ‘Yes or No’ segment ng CIA with BA ay tumutok sa mga karapatan ng mga babae at mga bata.

Sa episode na ito, nagtanong si Jabo ng Mariteam: “’Yung kaibigan ko po, naghiwalay sila ng kanyang asawa. Ngayon po, masama ang loob nung kanyang dating asawa kaya po pinagbantaan niya ‘yung kaibigan ko na hindi po niya bibigyan ng sustento at sasaktan niya po. Pwede niya po bang kasuhan ‘yong lalake kahit ‘di niya na po ‘to asawa?”

Diretso itong sinagot ni Senator Pia Cayetano: “Yes, pwede niyang kasuhan.”

Paalala ni Ate Pia, hindi lamang pisikal na pang-aabuso ang maaaring kasuhan kundi pati na rin ang economic abuse. Ibinigay niyang halimbawa na sa relasyon ng mag-asawa, madalas ang mga lalaki ang nag-aambag sa gastusin, tapos bigla na lang sasabihin na hindi na siya magbibigay. “‘Yung hindi pagbibigay o maging pananakot na hindi magbibigay ay may kaakibat na parusa.”

Samantala, iba naman ang tanong mula kay Tim: “Legal po bang magtrabaho ang bata below 15 years old sa kanilang family business?”

Si Senator Alan Peter Cayetano naman ang sumagot: “Yes. That’s very relevant sa Asians.”

Ayon aniya sa Republic Act 9231, na inamyendahan ng R.A. 11996, pinapayagan ito basta’t walang pinsalang idudulot sa mga bata at hindi maaapektuhan ang kanilang pag-unlad at pag-aaral.

Sa pagtatapos ng episode, pinaalala ni Kuya Alan sa viewers, “Let’s find ways na palakasin ang mga pamilyang Pilipino, and one way to do that is to stop any abuse against women and children.”

Dagdag ni Ate Pia, “Let’s make this a better place for women and children, at maging partners ang women and men sa pagpapalaki ng pamilya at pagpapaganda ng inyong mga komunidad.”

Patuloy na itinataguyod ng 'CIA with BA' ang legacy ng yumaong Senador Rene Cayetano at napapanood ito tuwing Linggo ng 11:00 p.m. sa GMA7, na may replays sa GTV tuwing Sabado ng 10:30 p.m.

No comments:

Post a Comment