‘CIA with BA’: Dapat bang ang desisyon ng ama ang laging masunod?
Sanay tayong mga Pilipino sa kultura kung saan ang ama ang kadalasang may huling salita sa mga desisyon ng pamilya. Mula sa maliliit na bagay hanggang sa malalaking usapin, ang opinyon at pasya ng ama ay madalas na nangingibabaw.
Ngunit sa ‘Yes or No’ segment ng ‘CIA with BA’ episode noong Linggo, Oktubre 6, isang mahalagang tanong ang itinaas: Dapat bang laging masunod ang ama? May legal na batayan ba ito, o mas mahalaga bang itaguyod ang pagkakapantay-pantay at sama-samang pagdedesisyon sa loob ng pamilya?
Sinabi ni Senator Alan Peter Cayetano, isa sa mga host ng programa, “Alam niyo, ‘yung ating batas, maraming pinanggagalingan ‘yan. Mostly, culture — part n’yan religion, part n’yan tradition, part n’yan ‘yung [kung] sinong namumuno, kung ano ang ideology or philosophy nila — then may historical context din.”
Ipinaliwanag din niya na sa ating konteksto, mayroong historical basis at praktikal na dahilan para dito.
Ayon sa kanya, sa mga bansa kung saan ang mga lalaki ang naiiwan sa bahay at ang mga babae ang nagtatrabaho, maaaring maternal ang kalikasan nito. Ngunit dito sa atin, ito ay paternal. Gayunpaman, binigyang-diin niya na kahit na paternal ito sa ating konteksto, hindi ito dapat ang huling pasya.
“Hindi rin ‘yan dapat ang primary. Ang primary is mag-usap,” sabi niya.
Para sa kanyang bahagi, ibinahagi ni Boy Abunda ang kanyang opinyon: “Ang pagiging ama ay isang matinding responsibilidad. Ngunit kaakibat nito ay karapatang ibinibigay sa kanya ng batas. Dapat lang na gamitin ito ng mga tatay para sa ikabubuti at ikauunlad ng kanyang pamilya.”
Ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy ng legasiya ng yumaong Senator Rene Cayetano at umuere tuwing Linggo ng 11:00 p.m. sa GMA7, na may replay sa GTV sa susunod na Sabado ng 10:30 p.m.
No comments:
Post a Comment