Batang nakasakay sa e-bike, nabundol ng bus! Ina, humingi ng tulong!
Dumulog si Gemma sa ‘CIA with BA’ upang humingi ng payo tungkol sa sitwasyon ng kanyang anak, na kasalukuyang nasa ospital matapos itong masagasaan ng bus habang nakasakay sa e-bike.
Sa segment na ‘Payong Kapatid’ noong Linggo, Setyembre 22, ibinahagi niya na pagkatapos ng insidente, nagkaroon ng kasunduan sa pagitan niya at ng bus company na sasagutin nila ang lahat ng gastusin sa ospital.
Ngunit sa kabila ng kasunduan, umabot na sa halos 500,000 pesos ang hospital bill, habang nasa 5,000 pesos pa lamang ang naibigay ng bus company para sa mga gastusin. Dahil dito, labis na nag-aalala si Gemma habang patuloy na tumataas ang kanilang bayarin, at hindi siya sigurado kung paano tutuparin ng bus company ang kanilang pangako.
Binanggit ni Senador Pia Cayetano ang posibilidad na may kapabayaan sa kaso dahil maaaring hindi pinapayagan ang e-bike sa kalsadang pinangyarihan ng aksidente, na maaaring magdulot ng mga tanong tungkol sa pagsunod sa mga regulasyon ng trapiko.
Nagbigay naman ng legal na payo si Senador Alan Peter Cayetano batay sa kwento ni Gemma. Ayon sa kanya, sa pangkalahatan, ang may kasalanan sa isang aksidente ang dapat managot sa mga gastusin. Binigyang diin niya na dapat ipursige ni Gemma ang kanyang mga karapatan at ang kasunduan sa pagitan nila ng bus company ay dapat igalang.
“May karapatan, may responsibilidad, pero ‘pag may naaksidente lalo kung talagang nasaktan ‘yung isang tao... kailangan natin ng tulong. ‘Wag tayong mahiyang humingi ng tulong pero ‘pag kita na natin na kailangan ng tulong, magkusa na tayo,” sabi ni Kuya Alan.
Matapos makatanggap ng payo, naging emosyonal si Gemma at ipinaabot ang kanyang sakit sa pagtingin sa kanyang anak na sugatan at mahina. Nangako ang programa na tutulong kay Gemma sa kanyang mga gastusin sa ospital, makikipag-ugnayan muli sa bus company, at tutulungan siya sa kanyang maliit na negosyo na naapektuhan ng insidente.
“Ako I pray na in a few months, maging success story natin (ito)... Sana ito ay isang obstacle na maging positive influence talaga, not just sa buhay ng family but sa lahat ng mga kamag-anak and mga kapitbahay,” sabi ni Ate Pia.
Ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy ng pamana ng yumaong Senador Rene Cayetano at umere tuwing Linggo ng alas 11:00 ng gabi sa GMA7, na may mga replays sa GTV sa sumunod na Sabado ng alas 10:30 ng gabi.
No comments:
Post a Comment