PM IS THE KEY: CIA WITH BA NAGBABALA TUNGKOL SA PAGBILI NG MGA ITEM ONLINE NA WALANG PRESYO

PM is the key’: CIA with BA, nagbabala tungkol sa pagbili ng mga item online na walang presyo

Narinig o nabasa mo na ba ang mga katagang “PM is the key” habang tumitingin ng mga item online? Mag-ingat dahil ito pala ay LABAG SA BATAS!

Ito ang nilinaw sa episode ng public service program na ‘CIA with BA’ nitong Linggo, Agosto 25, kung saan inilahad ni Queen Manilyn ng Mariteam ang kanyang hinaing.

“Tumitingin po ako ng mamahaling bag sa online shop tapos nakita ko walang nakasaad na presyo, tapos nakalagay lang do’n sa page nila, ‘PM is the key.’ Pwede po ba ‘yon?” tanong niya sa segment na ‘Yes or No.’

Diretsahang sinagot ito ni Senador Alan Peter Cayetano ng “No.”

“Alam mo, nagulat din ako dyan. Ako, mahilig ako sa collectibles—basketball cards, jerseys, figurines. Matingin din ako sa internet,” pagbabahagi ni Kuya Alan.

Ipinaliwanag niya na noong Disyembre 2023, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 11967 o ang Internet Transactions Act. Ang batas na ito ay nagsusulong ng polisiya ng estado na panatilihin at palakasin ang e-commerce sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbuo ng tiwala sa pagitan ng mga online seller at consumer.

“Very specific ‘yon [na] sa internet, kailangan ng presyo. So pati sa Consumer Act, nakalagay din do’n na ‘pag ikaw [ay] nagbebenta, dapat merong price ‘yon,” binigyang-diin ni Cayetano.

Binanggit din ni Senator Cayetano na maaaring marami sa mga online seller ang hindi alam ang requirement na ito, o kaya naman ay may mga dahilan sila tulad ng pag-iwas sa price canvassing o pag-target lamang ng mga seryosong buyer. Ngunit idiniin niya na ang batas ay para pangalagaan ang lahat, “at kailangan talaga merong presyo.”

Habang patuloy na lumalago ang online shopping, mahalaga para sa mga seller at consumer na maging pamilyar sa kanilang mga karapatan at responsibilidad. Bagama’t tila mas madali para sa ilang seller ang paggamit ng “PM is the key,” labag ito sa mga batas na naglalayong siguraduhin ang transparency at proteksyon ng mga consumer.

Ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy sa pamana ng yumaong Senador Rene Cayetano at mapapanood tuwing Linggo ng 11:00 p.m. sa GMA7, na may replays sa GTV tuwing Sabado ng 10:30 p.m.

No comments:

Post a Comment