‘Yes or No?’: Pwede bang magsampa ng kaso kung sinasaktan ang anak ng kapitbahay mo?
Nakakita ka na ba ng bata sa inyong lugar na sinasaktan at pinapabayaan ng kanyang mga magulang? At kung oo, naisip mo na ba kung pwede ka bang mag-file ng kaso para matulungan ang bata?
Ito ang tanong ni Annika ng Mariteam sa segment na ‘Yes or No’ sa episode ng ‘CIA with BA’ noong Linggo, Hulyo 28.
Diretsahan naman itong sinagot ng co-host na si Senador Alan Peter Cayetano ng “Yes!”
Gayunpaman, nilinaw niya na may mga guideline na kailangang sundin.
“‘Yung magfa-file ng case, pwede ‘yon pero tatlong responsible citizens. Protection ‘yon kasi baka galit ka lang sa kapitbahay [kaya] baka isumbong mo,” paliwanag niya.
“On the other hand, kung hihigpitan natin kung sino lang pwedeng magsumbong, kawawa naman ‘yung bata kung talaga ina-abuse siya,” dagdag pa ni Kuya Alan.
Kaugnay nito, nagtanong si Miko ng Mariteam: “Paano po kung wala pang anti-VAWC (Violence Against Women and Children) desk sa mga barangay, pwede po bang magsumbong sa mga social worker ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) kapag may incidence of VAWC?"
“Yes,” sagot ni Kuya Alan. Ipinaliwanag niya na kahit may anti-VAWC desk sa barangay hall o women’s desk sa police station, pwede pa ring magsumbong sa social worker. Ito ay nagbibigay ng maraming paraan para sa mga biktima o mga nag-aalala na makahanap ng tulong at suporta.
“Meron nang hotline ang ating DSWD at kasama sa guidelines sa kanilang hotline ‘yung mga gender-based violence and violence against women and children incidents. So sa emergency line ng Pilipinas na 911 — national emergency hotline, pwede din do’n,” aniya.
Ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy sa pamana ng yumaong Senator Rene Cayetano at nagpapalabas tuwing Linggo ng alas-11 ng gabi sa GMA7, na may mga replay sa GTV tuwing Sabado ng susunod na linggo ng alas-10:30 ng gabi.
No comments:
Post a Comment