' CIA WITH BA ' NOMINADO BILANG BEST TALK SHOW SA 45TH CATHOLIC MASS MEDIA AWARDS

‘CIA with BA’ nominado bilang Best Talk Show sa 45th Catholic Mass Media Awards

Nominado ang ‘CIA with BA’ sa ika-45 Catholic Mass Media Awards (CMMA) para sa kategoryang Best Talk Show.

Ito ang kauna-unahang nominasyon na nakuha ng public service program na pinangungunahan ng magkapatid na senador Alan Peter at Pia Cayetano at award-winning host na si Boy Abunda mula nang umere ito noong Pebrero ng kasalukuyang taon.

Habang ipinagpapatuloy ng ‘CIA with BA’ ang legasiya ng yumaong si Senador Rene Cayetano, ipinagdiriwang rin nina Alan Pia at ng mga producer mula sa Infinite Monkeys Digital PR and Communications, Inc. ang nominasyon na nakuha ng ‘Compañero: Remembering Sen. Rene Cayetano (Christmas Special)’ para sa Best TV Special sa CMMA.

“Alam kong pinapanood tayo ni Daddy at ang palaging habilin niya at palagi nating sinasabi sa tuwing natatapos ang show, ‘wag magpaapi, alamin ang batas,” wika ni Pia sa pinakahuling episode kung saan nagdiwang rin ng ika-53 kaarawan si Sen. Alan kasama ang co-hosts, pamilya at ang studio audience.

Para naman kay Alan, ipinaalala niya sa mga tumatangkilik sa programa na: “Kung may legal na kaalaman, mas mailalaban ang karapatan.”

“Dun po tayo sa tama dahil sa batas, wala tayong kawala,” sabi naman ni Abunda.

Sa mga nagdaang taon, layunin ng CMMA na i-promote ang values-filled na mass media, mapa-telebisyon, radyo, print media, advertising, musika at marami pang iba.

“Every finalist has proven their dedication to delivering excellence in their respective fields,” sabi ng organisasyon nang i-anunsyo ang mga nominado.

‘Wag palagpasin ang ‘CIA with BA’ kasama sina Alan, Pia, at award-winning TV host na si Boy Abunda tuwing Linggo ng gabi, 11:30 sa GMA7.

No comments:

Post a Comment