CIA with BA’: Pasasalamat para sa 2024
Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat sina Senators Alan Peter at Pia Cayetano sa huling episode ng ‘CIA with BA’ para sa taong 2024.
“Wala naman tayong show kung walang nagshe-share ng mga ganap sa buhay nila with us,” wika ni Ate Pia.
“Gusto naming magpasalamat sa inyo sa pagtitiwala ng inyong mga kwento sa amin, sa pagbukas ng inyong mga puso, at sa pagpapala na kayo ay naging bahagi ng aming buhay,” dagdag niya.
Ibinahagi rin ni Pia na ramdam nilang magkakapatid na host ang kasiyahan sa tuwing nalulutas nila ang mga isyung kanilang tinutulungan.
“Ang dami din naming joy ‘pag naso-solve namin ‘yung issues niyo. ‘Pag hindi naman namin na-solve, kadalasan naman ay merong hope na maso-solve siya,” saad ni Ate Pia.
“Tuwang-tuwa po kami dito ni Kuya Boy, ako at ni Alan. Maraming salamat po sa inyo,” pagtatapos niya.
Samantala, sinabi ni Kuya Alan: “Napakadaling mag-thank you ‘pag very obvious — ‘yung naitulong, na-share.”
“Kung titingnan mo nang mabuti, kahit anong pagsubok na pinagdaanan, may puwede pa ring ipagpasalamat,” pahayag niya.
“Sa lahat ng nag-share ng kanilang kwento, naging bahagi ng programa, naghintay, nag-research, sa mahal nating [si] Kuya Boy na nag-conceptualize ng buong show, sa lahat sa likod ng kamera, sa ating mga abogado, at siyempre, sa ating mga manonood—maraming maraming salamat po,” ani Kuya Alan bilang pagtatapos.
Ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy sa pamana ng yumaong Senator Rene Cayetano at napapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, may mga replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m.